AN OPEN LETTER FROM THE ASST. SECRETARY TO THE MAYOR
PIO MA. VICTOR H. GARAYBLAS
June 17, 2008
Sa aking mga kasamahan,
Noong ika-labing dalawa ng Hunyo, taong ito, pauwi po ako kasama ang aking tatay, kapatid at katrabaho. Nakahinto ang sasakyan namin sa Quezon Avenue, Quezon City nang biglang pagbabarilin ang sasakyan ng aking tatay. Lima po ang nakasakay doon at lima din ang nasugatan. Sa kabutihang palad walang namatay sa kanila.
Ang liham pong ito ay isang pagpapaalala sa mga empleyado at opisyal ng lokal na pamahalaan ng Manila City Hall. Marami po ang nagkakalat ng kung anu-anong intriga sa aking tatay. Tiniis nya ito kahit na minsan, personal na ang pangbabatikos sa kanya. Ang mga ito ay hindi totoo. May mga taong walang tigil ang paninira sa kanya. Marahil ang pag-uugaling ito ay bunga ng tuwid na pamamalakad ni tatay. Ang liham pong ito ay sinulat ko para ipaalam ang nararanasan ng mga taong naglilingkod ng tama sa gobyerno tulad ng aking tatay. Sa halip na pamarisan at dakilain and dedikasyon, integridad at sakripisyo ng mga tulad ni tatay, paninira, inggit at pananakit pa ang ginagawa ng mga taong ito. Hindi po bibigay si tatay at sana’y hindi rin mawalan ng loob ang mga taong naniniwala sa kanya. Nananaig lang po ang kasamaan kung ang mga mabubuting tao ay nananatiling inutil sa mga kawalanghiyaang nangyayari sa ating lipunan.
Bilang panghuli, nais ko po pasalamatan ang mga taong nagbigay ng suporta at nagpakita ng pagmamahal sa amin sa panahon ng pagsubok. Nais ko din pong pasalamatan ang mga taong sumubok pumatay sa aking ama lalung-lalo na sa taong responsible dito. Mas pinatibay nyo lang ang aming paninindigan at mas pinatatag nyo lang ang aming kalooban.
Maraming Salamat.
Pio Ma. Victor H. Garayblas
Assistant Secretary to the Mayor